Ika’y isang bituing nagniningning,
Lumiliwanag sa madilim na alapaap. Laging pinipilit na abutin, Ngunit natatakluban ng mga ulap. Ika’y isang mapula’t magandang rosas, Na nais kong mapasaakin. Ngunit para bang minamalas, Puso’y tinusok at nagdurugo rin. Ika’y isang instrumento ng musika, Ako’y pinapangiti’t pinapasaya. Pero sa bawat himig at kanta, Pagtulo ng luha ay kasama. Ika’y isang munting kandila, Ang ilaw ng aking buhay. Ngunit ang lahat ay isang akala, Ang nawalang liwanag ay ‘di maintay. Mga paghahambing sa mga bagay, Ay nasa aking isipan. Mga alaala ng aking buhay, Ay nasa aking puso. Pilit kinikimkim, pilit itinatago, Mga mensaheng nais ibigay sa iyo. Mga tanong na gustong itanong. Mga bagay na nais iparating. Gusto kong magbago, Ngunit dapat tanggapin. Ayaw kong magbago, Kailangang suutin ang maskara. Gusto kong mag-intay, Ngunit kailangan ng panahon. Ayokong magintay, Kailangang suutin ang maskara. Gusto kong umasa, Ngunit ayokong masaktan. Ayokong umasa, Kailangang suutin ang maskara. O, aking maskara Maskara ng pagtitimpi. Ikubli mo ang aking paghihinagpis Itago mo ang aking paghihinakit. Pigilin mo ang pagtibok ng aking puso. Ang madagundong na pagtunog ng aking isip. Ang pagbuhos ng damdaming hindi matigil-tigil. Ang lahat, ang lahat-lahat ng ito. Sa pagabot ng aking dalawang kamay, Sa paghawak ng maskara. Pilit hinihila palayo sa aking mukha. Nais na ipakita ang tunay kong kalooban. Panahon na ba? Panahon na ba para tuluyang lumisan? Lumisan ang mga alaala’t saloobing nais itapon na lamang sa limot. Lumayo sa aking paningin at kalimutan ang lahat. Lumiliwanag na realidad, ang katotohanang kailangang lunukin. Ayoko na. Sawa na ako. Ayoko na. Hirap na hirap na ako. Ayoko na. Ayaw ko nang magpakatanga. Magpakatanga sa mga kasinungalingang lumalaro sa aking isipan. Magpakatanga sa mga panaginip na gustong yakaping habang-buhay. Magpakatanga sa mga salitang lumalabas sa aking bibig na hindi tumatak sa iyong puso. Ngunit sa kabila ng lahat, Ang maskarang ito ang magsasalba sa akin. Magkaroon man ng lamat, Bawat araw ay kaibigan at kasangga pa rin. Ikaw at ako, walang magiging tayo, Alam mong alam kong tanggap ko ito. Ikaw at ako, walang magiging tayo. Alam kong alam mong huling araw na ito. O, aking maskara, itago mo ulit ako.
0 Comments
|
AuthorJust call me E // ArchivesCategories |